Ang maikling
kwento na pinamagatang “Bunga ng Kasalanan” ni Cirio H. Panganiban ay nagmulat
sa akin na may tamang panahon sa mga bagay-bagay na ating hinihiling. Maaaring
ibigay agad ito ng Panginoon at maaari namang hindi o hindi muna sapagkat alam
Niya kung ito’y makakabuti o makakasama sa atin. Katulad nina Virginia at Rodin
na sampung taon nang kasal ngunit hindi pa nagkakaroon ng anak, ay may
nakalaang plano ang Panginoon para sa mag-asawa. Ipinapahiwatig lamang nito sa
atin na kinakailangan nating matutong maghintay ng tamang oras at panahon.
Hindi nakukuha ang
isang bagay sa isang mabilisang paraan. Para sa akin, dapat nating paghirapan
ang isang bagay na gusto nating makamit at patunayan sa Panginoon na tayo ay
buong pusong nagagalak na magpakasakit upang matamo ang minimithing tagumpay o
bagay. Dito masusukat kung gaano katatag ang iyong pananalig at pagtitiwala sa Panginoon.
Ika nga sa isang kasabihan, “Nasa Diyos ang awa, Nasa tao ang gawa”.
Natutunan ko rin
na dapat nating pahalagahan ang bawat biyaya at pagsubok na ating matatanggap
mula sa ating Panginoon. Sapagkat alam Niya na kaya nating malampasan ang bawat
hamong ito sa ating buhay. Gaya ni Virginia, nabaliw man ay nagbalik siya sa
katinuan para ipagpatuloy ang kanyang papel sa kanyang mag-ama bilang isang
mabuting maybahay at isang mapagmahal na ina. Aking lubos na isasa-isip at
isasa-puso ang mga repleksyong aking natuklasan at nabuo sa araw-araw.